Mahalaga ang WALA sapagkat ito ang kabaligtaran ng MERON. Bago maging ganap ang MERON ay kailangan munang umiral ang WALA. Ang totoo ay hindi mo makikilala ang MERON kung hindi mo muna nakilala ang WALA. At para makita mo ang kahalagahan ng MERON ay dapat mo ring maranasan ang WALA.
Pinanghahawakan ko palagi ang konsepto ng MERON at WALA kung kaya kahapon, malugod kong tinanggap ang IKATLONG KARANGALANG BANGGIT na sa TALAANG GINTO 2010 sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kaugnay ng ika-222 kaarawan ni Francisco Balagtas. Kanina ay nakatanggap ako ng text message mula sa makatang si Michael Coroza na ganito ang sinasabi: "Nakapanlulumo ang resulta ng Talaang Ginto ngayon. Kung bakit kasi kumukuha ng mga huradong hindi naman makata. Si Roger Mangahas lang ang makata sa mga hurado. At natalo siya sa boto ng mga tagapagtaguyod lamang ng wika, hindi makata. Kasumpa-sumpa!"
Napilitan akong sumagot nang ganito: "Palagay ko po ay nasa posisyon nga kayo sa inyong opinyon. Sa ganang akin naman sir, hindi ko naman hiningi at kusang dumating kaya salamat na rin. Ang hamon na lang na haharapin ko ay kung paano mapatutunayan na karapat-dapat akong makiangkas at lumampas sa larangang hawawk ng mga tinitingala."
Sumagot si G. Mike Coroza nang ganito: "Wala kang problema. Ang KWF ang mananagot sa kasaysayan!"
Sa pagitan ng WALA at MERON, nagpapasalamat pa rin ako at MERONG nagkagusto sa tula ko:
PANAWAGAN SA MGA BAYANI NG PANITIKANG PILIPINO
Tula ni Joel Costa Malabanan
Nagkamit ng Ikatlong Karangalang Banggit sa Talaang Ginto 2010
I
Gumising ka, Lam-ang sa pagkakahimbing
Ang aso mo’t tandang agad na tawagin
Pagkat lupain mo’y nilamon ng dilim
Ng globalisasyong ang pakpak ay lagim;
Mga kabataang pangarap ni Rizal
Ay dota at facebook ang siyang inuusal
Ang sinisinta mong Perlas ng Silangan
Tambakan ng surplus ng mga dayuhan.
II
Imulat ang mata, ngayon, Bidasari
May ambang panganib sa angkin mong puri
Huwag mong kalakalin, pagkatao’t dangal
Sa kalansing ng yen at kaway ng dolyar;
Lahi mo’y alipin ng sandaigdigan
Siyang ineeksport ng pamahalaan
Tagahugas ng p’wet, caregiver saan man
Ang iba’y puhunan ay ganda at laman!
III
Baltog, iligtas mo, yaman ng Ibalon
Sa tulong ni Handiong, bayan ay iahon
Durugin ang pangil ng imperyalismo
Tagpasin ang leeg nitong pyudalismo;
Bawiin ang lupang hawak ng dayuhan
Mga kabundukan, dagat at minahan
Ang kinabukasan nitong kabataan
Ay nakasalalay sa iyong paglaban!
IV
Sige nga, Bantugan, iyo ngang batukan
Itong lahing ito, nang mahimasmasan
Tinatadyakan na’y bumubungisngis pa
At ang nanggahasa ang siyang sinasamba;
Mga pulitiko’y makapal ang mukha
Nakapagnakaw na’y kakandidato pa
Kapagka pinalad mabola ang masa
Magiging pangulo ang napatalsik na!
V
May bagong kalaban, ngayon, Aliguyon
Ang lupit ay higit pa kay Pumbakhayon
Sapagkat sarili mong dugo at laman
Ang nag-aagawan sa kapangyarihan;
Gulo sa Mindanao, walang katapusan
Masaker, patayan at mga nakawan
Mga pasimuno’y ang nasa posisyon
Nagwagi sa huwad at pekeng eleksyon!
VI
Hayo na, Sulayman, at pagbukulurin mo
Nagkawatak-watak na pangkat etniko
Upang itong liping lukob ng engkanto
Lumaya sa sumpa ng mga demonyo;
Maging matalino nawa sa pagboto
At hindi masindak sa baril at ginto
Mga Tarabusaw at Pah sa gobyerno
Ay huwag hayaang manaig sa pwesto!
VII
At kung mabigo pa itong panawagan
Elias at Simoun, inaayayahan
Gabayan ang bayan sa pakikibaka
Upang hawiin ang landas ng paglaya;
Mga kabataang nalulong sa dota
Sa facebook, at friendster ay magigising na
At ang sambayanang laong nagdurusa
Ay yayakapin na ang bagong pag-asa!
Mula sa blog ni Tata Raul Funilas na "Hiwa sa Lawa" ay ganito ang nakasulat:
Nakalulungkot ang isang mensaheng natanggap ko kanina mula kay Kamakatang Joel
Costa Malabanan.(Ang totoo’y text iyon ng isang kasamahan nating Makatang si Ka
Jess Ferrer na siyang naging tagapangasiwa ng Talaang Ginto ngayong taon na
ipinadala kay kasamang Joel at ipinasa naman sa akin.)Narito ang mensahe:
“TEXT NI MIKE COROZA PARA KAY JESS FERRER PERO IPINADALA SA AKIN: Jess,
nakapanlulumo ang resulta ng talaang ginto ngayon. Kung bakit kasi kumukuha ka
ng mga huradong di naman makata. Si Roger Mangahas lang ang makata sa mga
hurado. At natalo siya sa boto ng mga tagapagtaguyod lamang ng wika. Hindi
makata. Kasumpa-sumpa!”
Isa si kamakatang Joel Malabanan sa mga nagwagi sa timpalak ng Talaang Ginto at
ang alam ko, hindi mga pipitsugin ang mga kinukuhang hurado sa ganitong timpalak
at ganoon din ang kumukuha ng hurado.Kumbaga: May proseso.
Ako’y nakikisimpatiya sa sinapit na pag-alipusta ni Mike Coroza kay kasamang
Jess at sa dalawang huradong sina Catacataca at Ongoco.
Hindi naman siguro mapasusubalian ang mga kalibre ng mga nanalo ngayong taon sa
Talaang Ginto, halimbawa: Ang nagwagi ng Makata ng Taong si David Michael M. San Juan ay isang magaling na guro sa Kolehiyo ng San Agustin, ang pumangalawang at ka-LIRA kong si John Torralba ay isang mahusay na guro sa La Salle, ang
pangatlong si Leodivico Lacsamana ay magaling ding guro at mananaliksik, si G. Rey Duque ay naging Makata na rin ng Taon sa Talaang Ginto, si ka-LIRANg Joselito delos Reyes ay ilang beses na nagwagi na rin sa Talaang Ginto at iba pang timpalak sa tula at ang ang ating kasamang kamakatang si Joel Malabanan ay isang guro, kompositor, na lipos ding napakagaling manula.
At sa mga hurado naman ay walang pasubaling number one si ka Roger Mangahas na malimit ko ring makabungguang baso at makasikuhan sa mga tulaan, si G. Pamfilo Catacataca ay isang guro, mananaliksik, tagasalin, editor at manunulat sa wikang Pilipino, si Tomas Ongoco ay isa ring dalubwika at tagahimay ng maalamat na Ibong Adarna at Noli Me Tangere.
Sumalangit nawa si Balagtas!
Tula nang tula!
No comments:
Post a Comment